Isa akong babae! Ito ang gusto kong sabihin sa lahat ng tao, pero, alam kong kapag ginawa ko iyon ay magtatawa lamang sila. Kahit naman kasi magsuot ako ng bestida at tadtarin ko ng make-up ang maganda kong mukha ay hindi pa rin sila mangmang para hindi makita ang aking adam’s apple.
Bakla! Bakla! Bakla! Bagamat ito ang totoo’y hindi ko pa rin mapigilan ang masaktan kapag tinatawag akong bakla. Hindi naman kasi ako manhid para hindi maramdaman na may panlalait sa kanilang mga boses kapag sinisigaw nila ang katagang ito. Gayunman, ayokong ipakita sa kanila na nasasaktan ako kapag binibigkas nila ang katagang ‘bakla’ kaya naman ngumingiti na lang ako kapag nililingon ko sila. Hindi ko ipinapakita ang sakit na nararamdaman ko dahil ayokong madagdagan pa ang kasiyahang nararamdaman nila.
Pero, kahit na isa akong bakla, mayroon din akon akong puso. Nasasaktan din ako kapag alam kong hindi tanggap ang pagiging bakla ko. Masakit man sabihin pero isa sa mga hindi tumatanggap sa akin ang aking ama. Junior kasi niya ako tapos ganito ang aking pagkatao. Alam kong biggest disappointment niya ako pero kahit ano ang aking gawin hindi ako ang anak na kanyang pinangarap. Masakit pero alam kong kinamumuhian niya ang pagiging bakla ko. Iyon nga lang, wala ng magagawa ang aking ama at ang mga taong kumukutya sa akin sapagkat ito ako.
Kaya naman kung sasagutin ko ang katagang sino ako, buong galak ko pa ring ipagsisigawan na isa akong Darna. Wala akong pakialam kung magtawa ka. Basta ang importante sa akin, tanggap ko kung sino ako. Ikaw, masasagot mo ba ang tanong na Sino ako?
:)
ReplyDelete